Ksaysayan ng Bukidnon
Ang Bukidnon ay isang probinsyang landlocked o napalilibutan ng lupa sa rehiyon ng Hilagang Mindanao, at ang pangalan nito ay nangangahulugang “tagabundok” o “highlander.” Bago pa man dumating ang mga dayuhan, pinaninirahan na ito ng mga pangkat-etniko tulad ng mga Bukidnon, Manobo, Talaandig, at Higaonon. Ang kanilang pamumuhay ay sentro sa agrikultura, at kilala sila sa kanilang malalim na koneksyon sa kalikasan at mayayabong na tradisyon at ritwal.
Noong 1850, sa ilalim ng pamamahala ng Kastila, ang lugar ay naging isang munisipalidad ng Misamis, na tinawag na Malaybalay, habang ang mga naninirahan ay patuloy na tinawag na Bukidnon. Hindi ito agad nasakop ng Kastila dahil sa kabundukan nito, ngunit nagtayo sila ng mga misyon upang ipalaganap ang Kristiyanismo, na patuloy namang nilabanan ng mga katutubo upang mapanatili ang kanilang kultura at kalayaan.
Sa pagdating ng mga Amerikano, naging mas organisado ang lalawigan. Noong Agosto 20, 1907, sa bisa ng Philippine Commission Act 1693, inihiwalay ang Malaybalay sa Misamis at ginawang sub-probinsiya ng Agusan. Kalaunan, noong Setyembre 1, 1914, idineklara itong regular na probinsiya sa ilalim ng Act No. 2408, kung saan si Manuel Fortich, Sr. ang itinalagang unang gobernador. Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinakop ng mga Hapones ang Bukidnon noong 1942, at ang Mount Capistrano ay nagsilbing evacuation area para sa mga sibilyan. Noong 1945, napalaya ang probinsiya mula sa mga mananakop sa tulong ng mga tropang Pilipino at Amerikano.
Sa modernong panahon, kinilala ang Bukidnon bilang “Food Basket ng Mindanao” dahil sa malawakang produksyon ng palay, mais, at pinya. Noong Enero 12, 2001, ang Valencia ay naging isang component city, at ang kabisera nito ay nananatiling Lungsod ng Malaybalay.Sa kasalukuyan, ang Bukidnon ay kabilang sa Hilagang Mindanao (Region X). Ito ay isa sa pinakamalaking probinsiya sa bansa, na may lawak na tinatayang 10,498.59 Sq. Km., at may populasyong umaabot sa 1,601,902 (ayon sa 2024 Census). Ang lalawigan ay nahahati sa 2 Component Cities at 20 Munisipalidad, na binubuo ng 464 na Barangay. Ang ekonomiya nito ay pangunahing nakasentro sa agrikultura. Para sa termino ng 2025-2028, ang mga pangunahing pinuno ay sina Rogelio Neil P. Roque bilang Gobernador at Clive D. QuiƱo bilang Bise-Gobernador.
Basahin: Bukidnon History and Economy in English
Basahin: Mga Kilalang Tao na Galing sa Bukidnon

