Antipolo History (Tagalog)

Paunang Bahagi
Ang lungsod ng Antipolo ay matatagpuan sa gitnang bahagi ng Rizal, isang lalawigan sa rehiyon ng Timog Katagalugan sa bansang Pilipinas. Ito ay may lawak na 306.10 kilometrong parisukat. Nahahati ang lungsod sa labing-anim barangay.

Ayon sa census noong 1903, may 3,286 katao ang populasyon ng Antipolo. Ito ay lumaki sa 7,604 noong 1948. Mas lumaki pa ito sa 776,386 katao ang naninirahan ayon sa census noong 2015 at umabot ito sa 887,399 noong 2020.

Ang pangalan ng lungsod ay hango sa punong “tipolo” na maramihang tumubo sa lugar.

Panahon ng mga Kastila
Naunang dumating ang mga Kastilang Franciskano noong 1578 at nagtayo sila ng isang maliit na kapilya na ngayon ay tinatawag na Simbahan ng Boso-Boso. Noong taong 1591, ginawang isang parokya ang Antipolo dahil sa paglobo ng populasyon. Pagdating ng taong 1650, ganap na naging bayan (town) ang Antipolo.

Panahon ng Himagsikan (Philippine Revolution)
Kabilang ang Antipolo sa mga nag-aklas laban sa mga Kastila.

Panahon ng mga Amerikano
Noong maitatag ng mga Amerikano ang pamahalaang sibilyan sa Antipolo noong 1901, hinirang si Valentin Sumulong bilang unang pangulong munisipyo (municipal president). Noong panahon na iyon, kasama ang Teresa at mga lugar ng Bosoboso, Mayamot, at Bulao sa teritoryo ng Antipolo. Hindi nagtagal ay inalis din ang mga lugar na ito sa pamamahala ng Antipolo.

Pangalawang Digmaang Pandaigdig (World War II)
Nang sinakop ng mga Hapones ang Kamaynilaan, maraming tao ang lumikas sa mga bundok ng Antipolo. Pinasok at sinakop pa rin ng mga Hapones ang bayan ng Antipolo subalit hindi madali ang kanilang pananatili sa lugar dahil maraming mandirigmang Pilipino na kung tawagin ay mga Guerilla ang patuloy na lumaban sa mga Hapones. Ilan sa mga naging pinuno ng mga ito ay sina Miguel Ver, Terry Adevoso at Marcos Villa Agustin. Gayun pa man, maraming mga kilalang tao ang namatay sa digmaan kasama sina Mayor Pascual Oliveros, Padre Eusebio Carreon, Padre Ariston Ocampo, Ambrosio Masangkay, Alfonso Oliveros, Atty. Francisco C. Gedang Sr. at ilang mga madre.

Noong bumalik ang mga Amerikano sa bansa, kasama ang Antipolo sa mga napalayang lugar pagkatapos ng matindi at madugong bakbakan at pagbobomba.

Kasalukuyang Kaganapan
Noong 15 ng Hunyo, ang Hinulugang Taktak ay iprinoklama bilang National Park ni Pangulong Elpidio Quirino. Samantala, noong ika-14 ng Enero, 1954, idineklara ng mga obispo ng Simbahang Katoliko bilang “National Shrine” ng Virgin ng Antipolo ang Katedral ng Antipolo.

Taong 1983, araw ng 25 ng Hunyo, itinatag ang Diocese ng Antipolo at si Protacio G. Gungon ang unang obispo nito.

Ang bayan ng Antipolo ay naging isang lungsod alinsunod sa Batas Republika (Republic Act) Bilang 8508 na nilagdaan ni Pangulong Fidel Ramos noong ika-4 ng Abril, 1998. Si Angelito Gatlabayan ang unang naging alkalde ng Antipolo bilang lungsod at si Victor Sumulong ang unang naihalal ng kinatawan ng Antipolo sa Kongreso. Dahil sa paglobo ng populasyon, nahati ang Antipolo sa dalawang distrito noong 2004 at hanggang ngayon ay mayroon dalawang kongresista ang kumakatawan sa Antipolo.

Noong ika-19 ng Hunyo, 2020, opisyal na ginawang kabisera ng Lalawigan ng Rizal ang Lungsod ng Antipolo sa bisa ng Batas Republika Bilang 11475 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang dating kabisera nito simula pa noong 1901 ay ang Pasig na noon ay isang bayan lamang.

Mapa ng Antipolo

Basahin: Lucena History in Tagalog

Antipolo City Hall
Antipolo City Hall

One comment

  1. hi. can you post more history about the masangkays starting from ambrocio till the latest generations? if you can place them all in full details like their spouses, etc. it will be perfect research for me. thanks

Any comment?

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.